Gumulong sa kalsada ang isang batang lalaki na anim na taong gulang matapos siyang mabundol ng SUV sa Zarraga, Iloilo.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing nahuli-cam ang insidente sa national highway sa Barangay Sigangao.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang biglang pagtawid ng biktima, at saktong dumating ang SUV na minamaneho ng 18-anyos na driver.

Kaagad nakatigil ang SUV pero nahagip pa rin niya ang bata na apat na beses umanong gumulong sa kalsada.

Matapos buhatin ng ina ang biktima, dinala ng driver ang bata sa pagamutan.

Ayon sa kapitan ng barangay, hinabol ng biktima ang kaniyang ina na may binili sa kabilang kalsada.

Maayos na ang kalagayan ng bata at nagkausap na rin ang pamilya ng biktima at driver ng SUV.-- FRJ, GMA News