Patay ang isang motorcycle rider matapos mag-overtake sa isa pang rider at sumalpok sa kasalubong na kotse sa Negros Occidental. Ang driver ng kotse, nakadetine sapresinto at posibleng maharap sa reklamo.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, makikita sa CCTV camera sa highway ng Don Salvador Benedicto ang isang motorsiklo na napunta na sa kabilang linya ng kalsada hanggang bumangga sa kasalubong na kotse

Sa lakas ng banggaan, tumilapon ang rider na kinilalang si Andy Caranay, at kaagad na nasawi.

Dumiretso naman at sumubsob sa palayan ang kotse na nawasak ang harapan at nabasag ang windshield.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, lumalabas na mabilis takbo ni Caranay na nag-overtake sa isa pang rider kaya napunta sa kabilang linya ng kalsada.

Nakaligtas naman ang driver ng kotse na hindi nagbigay ng pahayag.

Nasa kostudiya rin siya ng pulisya at maaaring maharap sa reklamong reckless imprudence resulting to homicide.-- FRJ, GMA News