Nasagip ang mga awtoridad ang 10 babae sa raid sa isang nightclub na pugad umano ng prostitusyon sa Baguio City.

Iniulat sa "Unang Balita" nitong Biyernes ni James Agutin na batay sa isang tip, sinalakay ng special surveillance group ng mga pulis ang nightclub.

Bukod sa may malalaswa raw na sayaw sa entablado, nagiging pugad din umano ng prostitusyon ang lugar, ayon sa mga awtoridad.

Naabutan pa ng mga pulis ang isa sa mga parokyano sa VIP room kung saan umano nangyayari ang prostitusyon. May nag-aalok din umano doon ng iligal na drogra.

Nasagip naman ang 10 babae na naabutan sa nightclub at nasa kustodiya na sila ng Department of Social Welfare ang Development (DSWD).

Inaresto naman ang manager, at ang floor manager ng club. Pero, iginiit nila na walang prostitusyon at malaswang sayawan sa nightclub.

Mahaharap ang dalawa sa reklamong human trafficking.

Irerekomenda ding ipasara at tanggalan ng permit ang nightclub. —LBG, GMA News