Nasawi ang dalawang magkapatid matapos silang pagtatagain ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa loob ng kanilang bahay sa M'lang, Cotabato.

Sa ulat ni Katrina Son sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, kinilala ang mga biktimang sina Crizzel Gwyn Maguad at kaniyang kapatid na lalaki na pinagtataga hanggang sa bawian ng buhay sa Barangay Bagontapay sa nasabing lugar.

Nakatakas ang tatlong salarin, na tinutugis na sa kasalukuyan ng mga awtoridad.

"It's very disturbing. Grabe, brutal ang pagpatay. According sa witness, tatlo, naka-face mask, [may] iba naman [nagsabing] may isang nakamotor," ani M'lang Vice Mayor Joselito Piñol.

Nagtamo ang magkapatid ng matitinding sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Kasama ng mga biktima ang kanilang kasambahay nang mangyari ang pananaga, pero nagawa umano nitong makatakbo sa isang saradong kwarto at agad humingi ng tulong sa pamamagitan ng social media.

Hindi pa nakakausap ang mga magulang ng biktima, na parehong wala sa bahay nang mangyari ang krimen.

Tinitingnang motibo ng mga awtoridad ang pagnanakaw, at posible ring kilala ng mga biktima ang mga suspek.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pagpaslang sa magkapatid. — Jamil Santos/VBL, GMA News