Isang malusog na babaeng sanggol na nasa loob ng karton ang iniwan sa ilalim ng puno sa Siquijor.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing tatlong-buwang-gulang ang sanggol na nakabalot sa lampin at inilagay sa karton bago inabandona sa ilalim ng puno sa isang barangay sa Enrique Villanueva.

Mayroon din sulat na nakalagay sa karton na nakasaad ang kahilingan ng taong nag-abandona sa sanggol.

Nakasaad sa sulat na pabinyagan at iparehistro ang sanggol batay sa nakasulat ng petsa ng kapanganakan nito.

Nakalagay din sa sulat na hindi umano residente sa lugar ang ina ng sanggol.

Inaalam na ng mga awtoridad kung sino ang nag-iwan sa sanggol at ang kaniyang ina. --FRJ, GMA News