Nahuli-cam ang pagbangga ng isang truck sa tumatawid na motorsiklo sa San Ildefonso, Bulacan. Ang motorsiklo, nagliyab pa.

Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News "24 Oras," sinabing nangyari ang insidente sa Cagayan Valley Road noong Lunes ng umaga.

Makikita sa kuha ng CCTV camera na naghintay ng pagkakataon ang rider na makatawid sa kabilang bahagi ng kalsada.

Nang makakita siya ng tiyempo, tumawid na ang rider.

Pero nag-overtake naman ang truck sa mas maliit na delivery truck na nasa kaniyang unahan at nagbigay-daan sa motorsiklo.

Sa paglipat ng malaking truck sa kabilang linya, doon na niya nasalpok ang tumawid na motorsiklo.

Sa lakas ng pagbangga, tumilapon ang rider.

Naipit naman sa ilalim ng truck ang motorsiklo at nagliyab. Mabuti na lang at naiatras ng driver ng truck ang kaniyang sasakyan at hindi ito nadamay sa sunog.

Ayon sa mga awtoridad, ligtas na at nagpapagaling ang rider na nagtamo ng bali sa binti at sugat sa tuhod.

Nagkasundo na rin umano ang magkabilang panig kaugnay nang nangyaring aksidente.

--FRJ, GMA News