Patay ang isang bouncer ng isang bar sa San Vicente, Ilocos Sur nang barilin siya ng kostumer na siningil sa nakonsumo nito sa establisimyento.

Sa ulat ni Tere Sundayon sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, kinilala ang biktimang bouncer na si Kevin Villanueva, 27-anyos.

Sa kuha ng CCTV camera sa labas ng establisimyento, makikita ang suspek na nakasakay na sa motorsiklo.

Lumapit sa kaniya si Villanueva kasama ang isang waiter para singilin sa nakonsumo sa bar.

Bumaba ang suspek sa motorsiklo at pinagbabaril ang biktima.

Ayon sa ulat, bago ang insidente at may mga kasama ang suspek na nagtungo sa pulisya para humingi ng tulong.

Kabilang umano ang suspek sa grupo na kinabibilangan ng siyam katao.

Ayon kay Police Lieutenant Jay de Guzman, Deputy Provincial Director for Administration, Ilocos Sur PPO, naaresto ang suspek nang magtungo ang pulis sa crime scene.

Isa pang kasama nito ang inaaresto rin dahil umano sa panggugulo.

Nakita sa motorsiklo ang isang baril at magazine na may mga bala.

Hindi naman nagbigay ng pahayag ang lalaking namaril.

Hustisya ang hiling ng ina sa nangyari sa kaniyang anal.--FRJ, GMA News