Isang sanggol ang natagpuang inabandona sa isang sagingan sa Bulusan, Sorsogon.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing isang residente na magtatapon ng basura ang nakakita sa sanggol sa Barangay Santa Barbara.

Kaagad na ipinaalam ng residente sa mga opisyal ng barangay ang nakitang sanggol, at kaagad ding dinala sa rural health center.

Ayon sa opisyal ng barangay, nasa maayos nang kalagayan ang sanggol.

Natukoy din kung sino ang ina ng sanggol at isasailalim siya sa imbestigasyon.

Ayaw naman husgahan ng opisyal ng barangay ang ina ng sanggol kung bakit nito nagawang iwanan ang sanggol sa sagingan. Posible umanong may mabigat na problemang pinagdadaanan ang ina. --FRJ, GMA News