Tumilapon ang driver ng isang tricycle matapos na salpukin ng isang truck sa Daraga, Albay. Ang tricycle, nawala sa tamang direksyon nang masagi ng isang nag-overtake na van.

Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog," makikita sa kuha ng CCTV camera na binabagtas ng biktima ang national road sa bahagi ng Barangay Banyag, nang bigla siyang unahan ng puting van.

Pero nasagi ng van ang tricycle kaya nawalan ito ng kontrol at napunta sa kabilang bahagi ng kalsada.

Sakto naman na may paparating na kasalubong na truck at doon na nasalpok ang tricycle.

Mabuti na lang at nakapagpreno kaagad ang truck kaya hindi niya naararo ang tricycle at ang driver.

Pero sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang driver at mga kargang tubig sa tricycle. Nakaligtas naman ang biktima na dinala sa pagamutan.

Ayon sa pulisya, nagkaayos na umano ang mga driver na sangkot sa banggaan.

Ang driver ng van ang sumagot umano sa lahat ng pinsalang idinulot ng aksidente. --FRJ, GMA News