Nauwi sa trahediya ang masayang kasalan sa Torrijos, Marinduque nang masawi sa aksidente ang groom at dalawang iba pa habang patungo sa lugar ng selebrasyon.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Lunes, kinilala ang nasawing groom na si Alan Roldan, 26-anyos, isang engineer.

Dalawa pang kasama ni Roldan sa sinasakyan nitong jeep, kabilang ang isang batang babae, ang nasawi rin nang mahulog sa bangin ang kanilang sasakyan.

Samantalang dinala naman sa ospital ang 28 nasugatan na pawang sakay din sa jeep.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing ikinasal si Roldan sa bayan ng Sta Cruz, patungo sana sa Barangay Buangan sa Torrijos, kung saan gaganapin ang selebrasyon ng kasal.

Pero habang binabagtas nila ang daan sa Barangay Cagpo sa Torrijos, nawalan umano ng preno ang jeep at nahulog ito sa bangin na may 20 talampakan ang lalim.

Nasa kostudiya ng pulisya ang driver ng jeep na si Roderick Rigardo, na posibleng maharap sa patong-patong na reklamo. --FRJ, GMA News