Naaagnas na nang matagpuan ang bangkay ng isang 101-anyos na lolo sa loob ng kaniyang bahay sa Dagupan City. Malapit sa bangkay, nakita ang tumpok ng mga dolyares na nagkakahalaga ng P600,000.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, kinilala ang nasawi na si Luis Chua, residente ng Barangay Pantal.

Nadiskubre lang ang bangkay nang magtungo sa bahay ang kaniyang labandera.

Nakita malapit sa bangkay ni Chua ang kumpol ng mga dolyar na ang ilang piraso ay pinagpunit-punit na.

Ayon sa pulisya, ulyanin na umano si Chua at pinaniniwalaan na siya mismo ang pumunit sa ilang piraso ng dolyar.

"Ang assessment din ni Dr. Bautista due to old age na rin at multiple organ failure na dahil sa katandaan," sabi ni Police Leiutenant Joy Salvador, chief investigator ng Dagupan City Police Station.

Wala namang nakikitang foul play ang pulisya sa pagkamatay ni Chua.

Sinubukan pa ng Balitang Amianan na makuhanan ng pahayag ang mga kaanak ni Chua.--FRJ, GMA News