Nasawi ang 33-anyos na barangay secretary at sugatan ang kasama niyang barangay treasurer matapos silang pagbabarilin habang sakay ng barangay patrol sa Bauan, Batangas.

Sa ulat ni Lorenzo Ilagan sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Lunes, kinilala ang nasawi na si Jojo Acuzar ng Barangay Sta. Maria, dahil sa tinamong mga tama ng bala ng baril sa katawan.

Sugatan naman si Demetrio Silang, na nagtamo ng tama ng bala sa tagiliran at nagpapagaling sa ospital.

Ayon sa mga awtoridad, galing sa bangko noong Miyerkules sina Acuzar at Silang, at pabalik na sa barangay hall ang mangyari ang pananambang.

Inabangan umano ng gunman ang mga biktima at pagkatapos ng pamamaril ay tumakas sakay ng naghihintay na motorsiklo.

Kabilang umano sa tinitingnan anggulo ng mga awtoridad ang personal na away ng biktima at love triangle.-- FRJ, GMA News