Pinaghahanap ngayon ng mga tauhan ng  barangay at mga pulis ang isang grupo ng kabataan sa Tayabas City, Quezon na nakunan ng CCTV na binubugbog ang isang binatilyo.

Nangyari ang ang insidente nitong Lunes ng gabi.

Base sa kwento ng mga magulang ng biktima, pauwi na raw sana ang kanilang anak galing sa panonood ng basketball. Kasama raw nito ang kanyang mga kaibigan ng tambangan ito ng grupo.

Makikita sa video na talagang punintirya ang biktima. Sunod-sunod na suntok ang inabot nito hanggang sa mapahiga na.

Makikita rin sa video ang isang suspek na may hawak na panaksak at nagtangkang saksakin ang biktima. 

Tumigil lang ang pananakit sa biktima nang may mapadaan na security guard sa lugar.

Nagtamo ng pasa, bali sa buto at sugat sa katawan ang biktima na ngayon ay nagpapagaling na sa kanilang tahanan.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng Tayabas City Police upang matukoy ang mga nanakit sa biktima. —LBG, GMA News