Nagbibihis pulis umano ang isang security guard sa Rosario, La Union para manghuli ng mga tricycle driver na kaniyang kinikikilan, ayon sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes.

Base umano sa imbestigasyon ng pulisya, modus umano ng suspek na kinilalang si Alan Dulay, ang magsuot ng uniporme ng pulis.

Pinapara niya ang mga pumasadang tricycle driver at hihingan ng pera para hindi umano niya tiketan.

Nagsumbong naman ang mga nabiktima niya sa mga tunay na pulis kaya naaresto si Dulay.

Idinahilan umano ng suspek sa mga pulis na mahigpit ang kaniyang pangangailangan kaya niya nagawa ang krimen.

Mahaharap si Dulay sa patong-patong na kaso dahil sa kaniyang ginawa.--FRJ, GMA News