Isang lalaking palaboy na nakaupo sa kalsada ang nasagasaan ng kotse sa Pagsanjan, Laguna. Ang insidente, nahuli-cam.

Sa ulat ni Andrew Bernardo sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog," sinabing nangyari ang insidente noong Lunes ng madaling araw sa Barangay Dos.

Sa kuha ng CCTV camera sa lugar, makikita ang lalaki na nakaupo sa kalsada.

Ilang sasakyan ang nagawa siyang iwasan pero hindi ang isang kotse.

Napadapa at nagulungan ng kotse ang biktima.

"Sa lugar kung saan siya nagulungan, kaharap lang nung opisina ng ating rescue. Sila ang nag-response at sa assessment nila, nabugbog yung hita ng victim natin. Dinala sa ospital para sa ganun ay matingnan at malapatan ng kaukulang lunas," ayon kay Police Major Clemente Garcia, hepe ng Pagsanjan Police Station.

Ayon sa pulis, walang nakakakilala sa biktima na isang palaboy.

Sumuko naman ang driver ng kotse at sinagot ang gastusin ng biktima sa ospital.

Nakipag-ugnayan din ang mga awtoridad sa social welfare department para matulungan ang biktima.--FRJ, GMA News