Patay ang mag-live-in partner matapos silang pagbabarilin sa Tiaong, Quezon.

Sa ulat ni Lorenzo Ilagan sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog," sinabing naghihintay ng masasakyan ang mga biktima nang sundan sila at pagbabarilin ng nakatakas na salarin.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Marlon Cabatana, hepe ng Tiaong Police, madaling araw nang mangyari ang krimen sa terminal ng tricycle.

Sa imbestigasyon, napag-alaman na residente ng Barangay Niugan sa Cabuyao, Laguna ang mga biktima.

Naging pahirapan sa pagkilala sa dalawa dahil kinuha umano ng salarin ang cellphone at ID ng mga biktima na nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa katawan.

Patuloy pa ang imbestigasyon para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin at motibo sa krimen.--FRJ, GMA News