Patay ang isang rider matapos araruhin ng isang kotse ang tatlong motorsiklo at isang jeepney sa San Pedro, Laguna. Ang driver ng kotse, nakainom umano.

Sa ulat ni Lorenzo Ilagan sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Miyerkules, makikita sa kuha ng CCTV camera sa national highway ang paglihis ng kotse sa daan.

Napunta ang kotse sa kabilang linya ng kalsada at doon na niya nasalpok ang mga kasalubong na tatlong motorsiklo at isang jeep.

Nakainom umano ang driver ng kotse at pauwi na nang mangyari ang insidente, ayon kay Police Staff Sergeant Rodemar Pangramuyen, imbestigador ng San Pedro Police station.

Nagtamo ng mga sugat iba't ibang bahagi ng katawan ang limang sakay ng tatlong motorsiklo.

Dinala sila sa pagamutan pero binawian ang isang rider dahil sa tindi ng pinsalang tinamo.

Nawasak ang dalawa sa tatlong motorsiklo at napinsala ang unahang bahagi ng jeep.

Nasa kostudiya naman ng mga awtoridad ang driver ng kotse na nahaharap sa patong-patong na kaso.--FRJ, GMA News