Nasawi ang isang lalaki matapos siyang pagtatagain ng kaniyang sariling bayaw sa Minalabac, Camarines Sur. Ang krimen, nangyari nang dumaan ang biktima sa bahay ng kaniyang biyenan.

Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Huwebe, kinilala ang biktima na si Ramon Sy Jr., 34-anyos.

Tumakas naman at pinaghahanap ang suspek na si Marly Belgica 26-anyos, na bunsong kapatid ng asawa ni Sy.

Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na galing sa paaralan si Sy para dumalo sa pulong kung saan nag-aaral ang kaniyang anak.

Nang umuwi, dumaan muna ito sa bahay ng kaniyang biyenan kung saan naiwan ang mga bata sa Barangay Salingogon.

Pero nang aalis na ang biktima, doon umano umatake ang suspek na armado ng itak at pinagtataka at sinasaksak si Sy.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo ng suspek sa krimen pero isa sa tinitingnan na anggulo ay  selos.

Nanawagan ang ina ng suspek sa kaniyang anak na sumuko na. --FRJ, GMA News