Sugatan ang isang barangay kagawad sa Jaen, Nueva Ecija matapos siyang pagbabarilin ng riding-in-tandem.

Nakilala ang biktima na si Marianito Herminigildo, ayon sa ulat ni Corinne Catibayan sa Unang Balita ng GMA News nitong Miyerkoles.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na ang biktima sakay ng e-bike nang salubungin siya ng mga salarin at pinaulanan ng bala.

Nagtamo ang biktima ng gunshot wounds sa pisngi, balikat at hita.

Agad siyang isinugod sa ospital.

Ayon sa misis ng biktima, walang kagalit at wala ring death threat na natanggap ang kanyang mister.

Subalit noong 2009 ay naging biktima na ng pamamaril si Marianito.

Patuloy ang pagtugis ng mga pulis sa mga salarin. —KG, GMA News