Isang pitong-taong-gulang na babae ang ginahasa at pinatay umano ng dalawang menor de edad na lalaking kabarangay ng biktima sa San Pedro City, Laguna.

Sa ulat ni Andrew Bernardo sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Martes, sinabing nakita ang katawan ng biktimang itinago sa pangalang "Cherry," sa isang abandonadong paupahang bahay sa Barangay Landayan noong nakaraang Huwebes.

Kuwento ng stepfather ng biktima na itinago sa pangalang "Cherry," Miyerkules ng gabi nang utusan ng kaniyang asawa ang bata para magpa-charge ng cellphone. Pero hindi na nakauwi ang bata.

Kinabukasan, nakita ng isang residente sa lugar na nakatira malapit sa abandonadong bahay ang bangkay ng biktima.

Ayon sa pulisya, nakabalot sa kulambo ang kalahati ng katawan ng biktima, at may takip ng unan sa ulo.

Lumilitaw sa pagsusuri ng medico-legal na pinatay sa sakal ang biktima at pinagsamantalahan.

"Napakademonyo ng ginawa nila sa bata," saad ng lola ng biktima na hustisya ang hiling.

Nakilala at nadakip ang mga suspek na edad 17 at 16, nang isangla ng isa sa kanila ang dalang cellphone ng biktima.

Ayon sa pulisya, inamin umano ng dalawa na lango sila sa droga nang gawin ang karumal-dumal na krimen.

Sinampahan na ng kaso ang mga suspek na mananatili sa city social walfre and development office dahil sa pagiging menor de edad nila.--FRJ, GMA News