Patay ang isang mag-ama sa Sta. Barbara, Pangasinan matapos silang pagtatagain ng kanilang kamag-anak. Ang suspek, naalimpungatan umano sa ingay ng mga nag-aaway.

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, kinilala ang mga biktima na sina Rolando Paeste, at anak nitong si Rolly, ng Barangay Tebag West sa nasabing bayan.

Sumuko naman sa pulisya ang suspek na si Arturo Paeste.

Ayon sa isang kaanak ng mga biktima, nagkaroon ng pagtatalo ang kapatid ng suspek at ang biktimang si Rolly. Sumaklolo naman daw sa anak si Rolando.

Pahayag naman ng suspek, naalimpungatan siya nang madinig ang pagtatalo ng kaniyang kapatid at si Rolly.

"Narinig ko sila maingay sila...kuwan nataga ko na yung isa...isip ko wala na, hindi ko na namalayan silang dalawa," sabi ni Arturo na handa raw harapin ang kaniyang kaso.

Sinabi naman ng pulisya na nakainom din ang suspek nang mangyari ang krimen.--FRJ, GMA News