Dead on spot ang motorcycle rider at ang asawa nitong angkas niya matapos silang sumalpok sa kasalubong na pampasaherong bus sa Andaya Highway, Barangay Comadogcadog, Del Gallego, Camarines Sur.

Base sa report ng Del Gallego Municipal Police Station, nangyari ang aksidente pasado 4:00 ng madaling-araw nitong Miyerkules.

Patungo sana sa Sorsogon ang mag-asawang biktima habang patungo naman sa Maynila ang RU Diaz Bus.

Ang motorsiklo daw ang nang-agaw ng linya kaya sumalpok ito sa bus.

Sa tindi ng pagsalpok ay halos madurog ang motorsiklo ng mga biktimang kinilala sina Danilo Adonis, 55-anyos at Cecilia Adonis, 51-anyos na pawang mga taga Imus, Cavite.

Nagtamo ang mga biktima ng matinding head injury na naging dahilan ng kanilang agarang kamatayan.

Bahagya namang nasira ang kaliwang bahagi ng bus at ang windshield nito.

Nasa punerarya na ngayon ang mga labi ng mga biktima habang hinihintay ang pagdating ng mga kaanak nito mula sa Cavite.

Nasa kustodiya ng Del Gallego Municipal Police Station ang driver ng bus na si Augusto Aperin para sa karagdagang pagtatanong. —LBG, GMA News