Nadakip ng mga awtoridad ang ikalawang suspek sa pagpatay sa isang delivery driver at paghalay sa kaniyang 17-anyos na nobya habang nagdi-date sa Cagayan de Oro City.

Sa inilabas na pahayag nitong Miyerkules, sinabi Cagayan de Oro Police Office director Police Colonel Aaron Mandia, na ang ikalawang suspek ay personal na kinilala ng nakaligtas na menor de edad na biktima.

Ayon kay Mandia, natukoy ang ikalawang suspek mula sa mga impormasyon na ibinigay ng unang suspek na naaresto sa follow-up operation.

Bago iharap sa biktima, sinabi ng pulisya na pinagsuot muna ng black face mask at black ball cap ang suspek, na katulad ng suot ng humalay sa kaniya at pumatay sa kaniyang nobyo na nagtamo ng 10 saksak.

Nakilala umano ng biktimang babae ang suspek sa pamamagitan ng mga mata nito, boses at tindig.

Nagdi-date noong July 17 ang magkasintahang biktima sa Coastal Road sa Barangay Lapasan, Cagayan de Oro City nang harangin sila ng dalawang lalaki at nagdeklara ng holdap.

Mayroon pa umanong isang suspek na nagsilbing lookout.

Pero sa kabila ng pagkuha sa pera at gamit ng mga biktima, pinagsaksak pa rin ang lalaki at hinalay ang babae bago tumakas ang mga salarin.

Inihahanda na ang kasong isasampa sa mga suspek.—FRJ, GMA News