Patay ang isang lalaki matapos siyang barilin sa ulo at tangayin pa ang kaniyang motorsiklo ng tatlong lalaking sakay din ng motor sa Matalam, Cotabato.

Sa ulat ni John Consulta sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, kinilala ng pulisya ang biktima na si Albert Ledesma.

Makikita sa CCTV na pumarada si Ledesma sa gilid ng kalsada sa Barangay Poblacion, bago dumating ang motor na sakay ang tatlong suspek.

Bumaba si Ledesma sa kaniyang motor saka pumunta sa isang tindahan.

Pagbalik ng biktima, kinausap na siya ng isa sa mga suspek.

Nang pasakay na si Ledesma sa kaniyang motorsiklo, agad na lumapit ang isa pang suspek at malapitang binaril sa ulo ang lalaki.

Pagkatumba ng biktima, dito na inagaw ng mga suspek ang kaniyang motor at umalis.

Ayon sa pulisya, posibleng sinundan ng mga suspek ang biktima.

Hustisya ang panawagan ng pamilya ng biktima, habang patuloy ang imbestigasyon sa krimen. —Jamil Santos/VBL, GMA News