Patay ang isang piloto habang sugatan ang dalawang aircraft mechanic nang bumagsak ang sinasakyan nilang helicopter sa Clark, Pampanga.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente noong Martes ng gabi sa C.M. Recto Highway sa Clark.

Kinilala ang nasawing piloto na si Captain Diosdado Lumanlan. Sugatan naman sina Ivan Abiong at Rodley Esogon.

Lumitaw na pag-aari ng Pacific Spotter Company ang chopper na ginawa noong 1973. Isinasailalim umano ang sasakyan sa technical repair para sa isasagawang test flight.

Ngunit batay umano sa pahayag ng ilang saksi, sinabi ng PNP-ASG-Unit 3, na habang itini-test ang makina, bigla umanong umangat at biglang bumagsak.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon sa dahilan ng pagbagsak.--FRJ, GMA News