Isang lalaki na tubong-Caloocan City na ilang araw nang nawawala ang nakita ang bangkay na ibinaon sa lupa at isinemento sa Concepcion, Tarlac.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Miyerkules, kinilala ng pulisya ang biktima na si Jesterson Camero.

Nakita ang bangkay ni Camero sa bakanteng lote sa Barangay Santa Rosa. Sinemento ang lugar at nakabalot sa plastic ang biktima, na halos hindi na makilala.

Posible umanong pinahirapan ang biktima dahil sa nakitang mga pasa at sugat sa katawan.

"Actually nakagapos siya ng straw na tali. Mayroon nang initial... [investigation], allegedly pinaghahataw ng bote sa mukha," ayon kay Police Staff Sergeant Janus Yumol, investigator, Concepcion Police station.

Ayon sa pulisya ng Concepcion, nakipag-ugnayan sa kanila ang Caloocan police kaugnay sa nakuhang impormasyon sa isang person of interest tungkol sa umano'y bangkay na itinapon sa naturang lugar.

Nilinaw ng pulisya ng Concepcion na hindi sa kanilang lugar pinatay ang biktima.

Hinihintay pa ang resulta ng awtopsiya sa bangkay ng biktima para malaman ang dahilan ng kaniyang pagkamatay. --FRJ, GMA News