Naiuwi na sa kaniyang bayan sa Pampanga ang mga labi ng 22-anyos na babae na nakita ang bangkay na walang saplot pang-ibaba at nakataas ang damit sa loob ng isang garahe sa Baguio City.

Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, sinabing nanawagan ng hustisya ang mga kaanak para sa biktimang si Juliet Bajar Hesim, taga-Angeles City, Pampanga.

Ayon kay Police Major Manuel Canipas Jr., Commander, Camdas Police Station, umakyat ng Baguio ang biktima noong Agosto 27, para magtrabaho sa isang bar sa Marcos Highway.

Nitong nakaraang Miyerkules, iniulat ang tungkol sa nakitang bangkay ng babae sa isang garahe sa Trancoville sa Barangay A. Tabora.

Nakilala ang bangkay dahil na rin sa kaniyang tattoo na pangalan sa bandang likuran ng katawan.

Walang saplot pang-ibaba ang biktima at nakataas ang damit.

"Mayroong siyang parang hinampas sa ulo, mayroon siyang tape sa bibig, nakatali yung kamay niya both hands [ng duct] tape. May nakatali na belt sa kaniyang leeg," ayon kay Canipas.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo sa krimen, at matipid din sila sa pagbibigay ng impormasyon kaugnay sa kaso.

Nanawagan ang mga kaanak ng biktima na mabigyan kaagad ng katarungan ang sinapit ni Hesim.--FRJ, GMA News