Patay ang isang 30-anyos na lalaki na inilarawan ng kaniyang ina na mabait na anak, matapos siyang pagbabaril habang papauwi sa kanilang bahay sa San Juan, Batangas.

Sa ulat ni Denice Abante sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Marvin Reyes, construction worker.

Ayon sa pulisya, pauwi na ang biktima matapos pakisuyuan umano ng kaibigang babae na bumili ng gamot.

Pero habang papauwi, pinagbabaril si Reyes ng salaring nakasakay sa motorsiklo sa Barangay Palahanan Dos, at kaagad na binawian ng buhay.

Ayon sa ina ng biktima, mabait ang kaniyang anak at wala siyang alam na nakakaaway nito.

Nanawagan ng tulong ang ginang upang mabigyan ng hustisya ang sinapit ng kaniyang anak.

Personal na away naman ang nakikita ng mga awtoridad na motibo sa krimen. Patuloy pa ang kanilang imbestigasyon para matukoy ang salarin.-  FRJ, GMA News