Patay ang isang 4-anyos na batang babae sa Bayambang, Pangasinan matapos umanong gahasain at gilitan ng suspek na lango sa alak, ayon sa ulat ng Unang Balita mula sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes.

Pinaniniwalaang binigyan ng suspek ng candy ang biktima kaya ito sumama sa kaniya.

"'Yung lalaki bumili pa raw ng candy dito sa tindahan. Siguro binigay dun sa bata kaya 'yung bata sumama," ani Joselito Sabangan, chairman ng Barangay Reynado.

Ayon sa ilang saksi, nagawa pang maglakad ng biktima ng ilang metro mula sa pinangyarihan ng krimen. Naitakbo pa siya sa pagamutan pero binawian din ng buhay kinalaunan.

Nadakip naman ang suspek na kumpare ng ama ng biktima. Narekober din ang ginamit na patalim sa krimen.

Ayon sa pulisya, lasing ang suspek nang mangyari ang krimen.

Sinubukan ng GMA Regional TV One North Central Luzon na makunan ng pahayag ang suspek na mahaharap sa kaukulang kaso. Hustisya naman ang sigaw ng pamilya ng biktima.  —KBK, GMA Integrated News