Isang 38-anyos na babaeng negosyante ang nasawi matapos na barilin nang malapitan ng salarin sa labas ng tinutuluyan niyang bahay sa Davao City nitong Miyerkules ng gabi.

Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV "One Mindanao" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Yvonnette "Yvonne" Plaza, na tubong Kalamansig, Sultan Kudarat.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya at pahayag ng mga saksi, kabababa lang umano ng biktima sa kaniyang SUV at naglakad patungo sa gate ng tinutuluyang bahay sa Green Meadow Subdivision sa Sto. NiƱo, nang lapitan siya ng salarin at pagbabarilin.

Tumakas ang naka-helmet na salarin sakay ng motorsiklo.

Ayon sa punong barangay, bago pa lang na naninirahan sa lugar ang biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa pagtukoy sa motibo sa krimen, at pagkakakilanlan sa salarin.

Wala pang pahayag ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News