Binawi ng isang 24-anyos na lalaki sa San Juan, Abra ang nauna niyang iniulat na biktima siya ng stray bullet sa pagsalubong sa bagong taon. Ang totoo, aksidente pala niyang nabaril ang sarili.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Huwebes, sinabing dinala sa ospital si Jomary Oca dahil sa tinamong isang tama ng bala sa hita.

Nadala umano siya ng kaba at kalasingan kaya sinabi niyang tinamaan siya ng ligaw na bala.

Nagtamo ng tama ng bala sa hita si Oca at isinailalim sa operasyon para alisin ang nakabaong tingga.

Ayon kay Oca, napulot niya sa daan ang baril na isang home made caliber 45.
Isusukbit daw niya sa baywang ang baril nang makalabit niya ang katilyo nito kaya pumutok at tinamaan siya ng bala sa hita.

Isinuko na rin ni Oca sa pulisya ang baril.

Samantala, patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya ng San Juan sa isang insidente ng stray bullert na Barangay Baog, na isang 52-anyos na lalaki ang tinamaan ng bala sa baba.

Nakahiga umano sa sala ang biktima nang tamaan ng ligaw na bala.

Nagpapagaling na siya sa tinamong sugat.--FRJ, GMA Integrated News