Dalawang bangkay ng lalaki na hinihinalang biktima ng "salvage" ang natagpuan sa gilid ng kalsada sa magkahiwalay na lugar sa lalawigan ng Quezon nitong Martes.

Ayon sa pulisya, nakita kaninang umaga sa gilid ng highway sa Barangay Talaan Aplaya sa Sariaya, ang isang biktima na may mga tama ng bala sa katawan.

Hindi pa natutukoy ng mga awtoridad pagkakakilanlan ng naturang lalaki, na pinaniniwalaang itinapon sa lugar.

Sa gilid naman ng bypass road sa Tayabas City nakita ang isa pang bangkay ng lalaki na may tama rin ng bala sa ulo.

Ayon sa pulisya, may plastic na nakabalot sa mukha ng biktima at nakagapos ang mga kamay at paa nito.

Inaalam din ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima, at kung may kaugnayan ito sa bangkay na nakita sa Sariaya. --Peewee C. Bacuño/FRJ, GMA Integrated News