Inamin ng nagsisising suspek na labis na selos ang nagtulak sa kaniya para laslasin ang leeg ng kaniyang live-in partner sa Cebu City.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ang kuha ng CCTV camera sa gilid ng bangketa nang biglang sumulpot sa likuran ng nakaupong fruit vendor na biktimang si Bernadita Zamora, ang suspek na si "Edwin," nagtitinda rin ng prutas.

Ang kutsilyo na pantalop umano sa tinda nitong mga mangga ang ginamit umano ni Edwin para laslasin ang leeg ni Zamora.

Matapos nito, kaagad na tumakas ang suspek, pero naaresto rin siya kinalaunan.

Ang biktima na nagtamo ng sugat sa leeg, tinulungan ng dalawang nursing students na sina Angyl Fayth Ababat at Kristianne Joice Ona, at empleyado ng pharmacy na si Feda Sarmiento.

Gumawa sila ng paraan upang mapigil ang pagdaloy ng dugo sa sugat ng biktima. Tinatayang tumagal umano ng mahigit 30 minuto bago dumating ang ambulansiya sa lugar at nadala sa ospital ang biktima.

Ang ginawa ng dalawang nursing student, pinuri ng kanilang paaralan, at maging ng pulisya at lokal na pamahalaan.

READ: 2 nursing students na sumagip sa ginang na nilaslas ang leeg sa bangketa, pinarangalan sa Cebu

Ayon sa anak ni Zamora, dati na raw sinasaktan ng suspek na si Edwin ang biktima, bagay na itinanggi naman ng suspek na nakakulong ngayon at nahaharap sa reklamong frustrated murder.

Aminado si Edwin na labis na selos ang nagtulak sa kaniya para magawa ang krimen dahil nakita niya umano ang biktima na may kasenyasan na ibang lalaki.

Sinabihan din daw siya ni Zamora na umuwi pero dalawang araw na umanong hindi umuuwi sa kanila ang biktima.

"Noong nakaraang araw nakita ko siya, sabi ko, 'Puntahan mo ako rito mag-aantay ako,'" kuwento ng suspek.

Pero kinabukasan, nagdilim umano ang paningin niya at nagawa ang krimen.

"Pagkakita ko (sa kaniya) parang nakalimot ako," ani Edwin.

Humingi siya ng patawad at nagsisisi raw siya sa kaniyang ginawa. Pero ang anak ng biktima, hindi pa handang magpatawad.

Patuloy naman na nagpapagaling sa ospital ang biktima.--FRJ, GMA Integrated News