Binaril at napatay sa labas ng kanilang bahay sa Lemery, Batangas ang isang inhinyero at ang kaniyang pamangkin na nagmamaneho sa kaniya.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Frederick Casalme, 46-anyos, at ang pamangkin niyang si Kingjay.

Sakay ng SUV ang dalawa na minamaneho ni Kingjay at papasok na sa kanilang bahay sa Barangay Mayasang nang mangyari ang pamamaril.

Ayon sa pulisya, nagtamo ng tama ng bala sa mukha si Frederick, habang sa iba't ibang bahagi ng katawan ang tama ng kaniyang pamangkin.

Nakatakas naman ang salarin.

Sinabi ni Police Major Gerry Abalos, hepe ng Lemery Police Station, isang project engineer si Frederick at nangongontrata ng mga government projects sa Batangas.

Batay sa kanilang pagtatanong, sinasabi umano ng mga nakakakilala na mabait ang inhinyero. Ipinamimigay din umano nito ang mga nakukuhang kontrata sa proyekto.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para malaman ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng salarin.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News