Isang barangay tanod ang nasawi matapos siyang kumain umano ng butete o pufferfish sa Pasacao, Camarines Sur.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia, na iniulat din sa Unang Balita nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Albert Sentino.

Sinabi ng hipag ni Sentino na nakaramdam ang biktima ng pagkahilo at paninikip ng dibdib matapos kumain umano ng butete.

Ganito rin ang naramdaman ng kaniyang pamilya na kumain din ng naturang isda.

Isinugod sila sa ospital, kung saan kasalukuyang nagpapagaling ang live-in partner ni Sentino at kanilang anak.

Nagpaalala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Bicol na ipinagbabawal ang pagkain ng pufferfish dahil sa nakamamatay nitong lason. —Jamil Santos/LBG, GMA Integrated News