Pinagbabaril sa loob ng kaniyang sasakyan sa Guimba, Nueva Ecija ang isang 33-anyos na konsehala. Ang suspek, isang pulis na dati umanong kinakasama ng biktima.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Angelique Alexis Paulino, konsehala sa bayan ng Sto. Domingo.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing papunta sa isang reunion si Paulino nang tambangan siya sa bahagi ng Nueva Ecija-Pangasinan Road sa bayan ng Guimba.

Walong tama ng bala mula sa hinihinalang 9mm na baril ang tinamo ng biktima.

Naaresto naman sa hot pursuit operation ang suspek sa bayan ng Talavera.

Kinilala siya na si Patrolman Saddam Pascual, 32-anyos, nakatalaga sa Agoo Police Station sa La Union.

Wala pang pahayag ang suspek pero sinabi ng pulisya na umamin ito sa nagawang krimen. Lumilitaw na matinding selos ang naging motibo ng suspek.

Mahaharap si Pascual sa kaukulang kasong kriminal at administratibo. --FRJ, GMA Integrated News