Crime of passion ang lumilitaw na motibo sa ginawang pamamaril at pagpatay sa isang 27-anyos na mister sa San Jose, Batangas. Ang lumitaw na utak sa krimen, ang mismong misis ng biktima at umano'y kalaguyo nito.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV News nitong Miyerkules, sinabing binaril at napatay noong Biyernes ng madaling araw ang biktimang si Emil Jael, sa Barangay Kalansayan.

Papunta raw sa trabaho ang biktima nang mangyari ang pamamaril. Nagtamo siya ng tama ng bala ng baril sa ulo at hindi na umabot nang buhay sa ospital.

Nakatakas naman ang salarin sakay ng motorsiklo.

Ayon sa pulisya, sa proseso ng kanilang imbestigasyon, napaamin ang misis ni Jael, at ang nobyo nito na sila umano ang kumontrata sa bumaril sa biktima.

Hindi na raw masaya ang ginang sa piling ng kaniyang mister na biktima.

"Love triangle ito. Involved ang tunay na asawa at ang kaniyang boyfriend," ayon kay Police Major Hazel Suarez, hepe ng San Jose Police Station.

"Doon sa investigation natin, nadulas yung asawa mismo na siya ay may boyfriend na. Sa flow ng ating pagtatanong ay hindi na naitanggi ng suspek na lalaki na sila mismo ang kumontak sa gunman," patuloy niya.

Hindi naman naglabas ng opisyal na pahayag ang mga suspek, na ayon sa pulisya ay gumawa umano ng extra judicial confession.

Ang mga magulang ni Jael, masakit man ang nangyari sa kanilang anak ay umaasa silang makakamit nito ang hustisya.

Patuloy namang hinahanap ng mga awtoridad ang gunman. --FRJ, GMA Integrated News