Arestado sa isang entrapment operation sa Naga City, Camarines Sur ang isang lalaking suspek sa umano'y sextortion.

Ayon sa dating girlfriend ng suspek, nagbanta umano ito na ikakalat ang maselang video at larawan ng kasintahan kung hindi ito makikipagbalikan sa kanya, ayon sa ulat ni GMA Regional TV Cebu host Nikko Sereno sa Unang Balita nitong Martes, base sa impormasyong nakalap ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia.

Taga-Sorsogon ang biktima habang taga-Camarines Sur naman ang suspek.

Nagkasundo silang magkita sa Naga City.

Nang sila ay magkita roon, doon na inaresto ng mga awtoridad ang suspek.

Sinusubukan pa ng GMA Regional TV na kuhanin ang pahayag ng suspek. —KG, GMA Integrated News