Nabigla ang ilang nakatayo sa labas ng isang mall sa Iloilo City matapos bumagsak ang dalawang motorsiklo mula sa second floor parking area.

Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Martes, sinabing batay sa imbestigasyon ng pulisya, nabangga ng isang pumaparadang SUV ang dalawang nahulog na motorsiklo.

Sa halip daw kasi na preno, silenyador ang naapakan ng driver habang ipinaparada nito ang SUV.

Bukod sa dalawang motorsiklo na nahulog, dalawang motorsiklo pa at isang SUV ang napinsala matapos na mabagsakan.

Masuwerte na walang nasaktan sa nangyaring insidente.

Mag-uusap pa umano ang may-ari ng nakabanggang SUV at mga may-ari ng nasirang mga sasakyan. --FRJ, GMA Integrated News