Patay ang isang 4-anyos na batang lalaki nang madaganan siya ng pader sa bayan ng Kalibo, Aklan.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas, na iniulat din ng Unang Balita nitong Huwebes, lumalabas sa imbestigasyon na kukuha lang sana siya, at ang kanyang 14-anyos na kapatid ng mga bakal sa isang abandonadong gusali para kanilang ibenta.

Habang tinitibag ng nakatatandang kapatid ang isang pader, hindi niya alam na nandun pala ang kanyang kapatid, at nabagsakan ito.

Isinugod ang bata sa ospital pero binawian din ng buhay.

Samantala, sa bayan naman ng Numancia, Aklan, namatay ang isang 3-anyos na batang babae nang maaksidente ang sinasakyan niyang tricycle.

Ayon sa imbestigasyon, tiyuhin ng biktima ang nagmamaneho. Nawalan daw ng kontrol ang driver at bumaliktad ang tricycle.

Tumama ang ulo ng bata sa kalsada na ikinasawi nito. —LBG, GMA Integrated News