Patay ang isang lalaking 18-anyos matapos siyang matuklaw ng ahas sa Solsona, Ilocos Norte.

Sa ulat ng GMA Regional TV One "North Central Luzon," kinilala ang biktima na si John Llyod dela Cruz, ng Barangay Darasdas.

Ayon sa ina ng biktima, nagpaalam ang kaniyang anak na pupunta sa bukid para manghuli ng ahas.

Hinihinalang natuklaw ang ahas ang binata nang sumilip siya sa butas.

Nagpasaklolo pa raw sa mga tao si dela Cruz nang manikip na ang kaniyang dibdib at nanghina.

Pero kinalaunan, tuluyan na siyang binawian ng buhay.

Madalas daw na manghuli ng ahas ang biktima para paglaruan ang mga ito at ginagaya ang mga napapanood sa social media.-- FRJ, GMA Integrated News