Patay ang dalawang lalaki sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Ilocos Sur at Abra. Ang isang biktima, nag-aayos ng kaniyang motorsiklo nang pagbabarilin ng salarin.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Lunes, sinabing nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan si Conrado Valdez, 32-anyos, taga-Vigan City, Ilocos Sur.

Ayon sa pulisya, may ginagawa sa kaniyang motorsiklo ang biktima nang lapitan ng salarin at pagbabarilin.

Ilang basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril ang nakita sa pinangyarihan ng krimen.

Iniimbestigahan pa ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng salarin.

Sa Barangay Abualan sa San Juan, Abra, pauwi na at sakay ng motorsiklo ang 46-anyos na si Fred Siagan, nang pagbabarilin din siya at mapatay ng salarin.

Hinala ng mga awtoridad, sinundan ng salarin ang biktima na mabilis na tumakas matapos maisagawa ang krimen.--FRJ, GMA Integrated News