Isang drive-in hotel sa Echague, Isabela ang hinoldap ng isang lalaki na armado ng baril. Pati ang isang aso, nadamay matapos barilin ng salarin.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, makikita sa kuha ng CCTV camera ang pagpasok ng salarin sa kinaroronan ng kahera.

Tinutukan ng holdaper ng baril ang kahera para hingin ang susi sa kaha.

Matapos mabuksan ang pinaglalagyan ng kaha, nagtungo sa holdaper sa isang kuwarto malapit sa reception area pero nagulat siya na mayroon palang aso.

Binaril ng salarin ang aso bago ito tumakas.

Nasugatan ang aso pero nakaligtas matapos na operahan.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng salarin, ayon sa ulat.  — FRJ, GMA Integrated News