Pinagbabaril at napatay habang sakay ng motorsiklo ang isang punong barangay at kaniyang asawa sa Austurias, Cebu. Ang mga salarin na sakay din ng motorsiklo, nakatakas.

Sa ulat ni Fe Marie Dumabog ng Balitang Bistak sa GMA News Saksi nitong Martes, kinilala ang mga biktima na si Barangay Manguiao chairman Mario Tundag, 57-anyos, at asawa niyang si Edna, 49.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang mag-asawa na sakay ng isang motorsiklo na minamaneho ni Mario dakong 9:00 am kanina sa Barangay Poblacion Uno.

Nakasunod naman sa kanila ang dalawang salarin na nakasakay din sa isang motorsiklo.

Nang makalapit ang mga salarin, binaril ng nakaangkas ang mag-asawa.

Kaagad na nag-U-turn ang mga salarin nang bumagsak na sa kalye ang dalawang biktima na kaagad na binawian ng buhay.

Ayon sa pulisya, patuloy pa ang kanilang isinasagawang imbestigasyon para matukoy ang motibo sa krimen.--FRJ, GMA Integrated News