Nasawi ang isang batang dalawang-taong-gulang nang magtungo umano ito sa harapan ng van para umihi pero hindi napansin ng kaniyang tiyuhin na driver kaya aksidenteng nasagasaan sa Ilocos Norte.

Sa ulat ng GTV "State of the Nation" nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang trahediya sa Vintar, Ilocos Norte.

Ayon sa pulisya, galing sa Isabela ang biktima kasama ang ina, at nagtungo sa Ilocos Norte para makiramay sa namatayan.

Pero pagbaba umano ng mga ito sa van, hindi nila napansin na pumunta sa harap ng sasakyan ang bata para umano umihi.

At nang iabante ng tiyuhin ang sasakyan, doon na niya nahagip ang pamangkin.

Sumuko sa pulisya ang driver ng van pero nagpasya umano ang pamilya ng bata na hindi na magsasampa ng kaso.--FRJ, GMA Integrated News