Nahuli-cam ang pagnanakaw sa isang convenience store sa Talisay City, Cebu at nahuli sa follow-up operation ng mga pulis ang suspek na mismong supervisor ng tindahan.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, na inilabas din ng Unang Balita nitong Biyernes, makikita sa CCTV na biglang umalis ang cashier sa kaniyang puwesto sa tindahan sa Barangay Dumlog, habang may kausap sa cellphone.

Maya-maya pa, dumating ang isang lalaking nakatakip ang mukha at saka umalis tangay ang kalahating milyong pisong kita ng tindahan.

Naaresto ng Talisay City Police ang suspek at napag-alamang siya pala ang store supervisor.

Batay sa imbestigasyon, tinawagan ng suspek ang cashier at sinabihang umakyat sa ikalawang palapag at mag-imbentaryo ng stocks.

Umamin ang suspek sa krimen at siya ay nakapagpiyansa.

Nahaharap siya sa reklamong qualified theft. —LBG, GMA Integrated News