Sugatan ang 17-anyos na rider, habang nasawi ang dalawa niyang angkas nang sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa isang truck sa Cuenca, Batangas.

Sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Martes, sinabing nangyari ang trahedya noong Linggo ng gabi sa pakurbang bahagi ng kalsada sa Barangay Dita.

Ayon kay Police Major Ernie Delos Santos, hepe ng Cuenca Police Station, nag-overtake umano ang menor de edad na rider sa isang sasakyan, at bumangga ito sa nakasalubong na truck na patungong Lipa City.

Nasawi ang dalawang nakaangkas sa motorsiklo na isang edad 16 at isang 19 anyos.

Ayon sa pulisya, galing umano sa inuman ang mga biktima at pauwi na nang mangyari ang insidente.

Sa kuha ng CCTV camera, makikta na magkakasunod na dumaan ang mga tanker truck, nang biglang may sumulpot na motorsiklo at sumalpok sa isa sa mga truck.

Labis ang paghihinagpis ng mga magulang sa maagang pagkasawi ng kanilang mga anak.

Samantala, sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang kaanak ng rider na nagpapagaling pa sa ospital, ayon sa ulat.

Ayon sa pulisya at kaanak ng mga biktima, nakipag-ugnayan na sa kanila ang may-ari ng truck na nasangkot sa insidente.--FRJ, GMA Integrated News