Ilang kaso ng jellyfish sting o pag-atake ng dikya sa mga bakasyunista ang naitala nitong Lunes sa Lingayen, Pangasinan.
Sa uat ng GTV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing agad pinaahon at pansamantalang ipinagbawal ang paliligo sa bahagi ng dagat na mayroong mga dikya.
Binigyan din kaaagad ng mga naka-antabay na medical team ng paunang lunas ang mga biktima.
Sinabi ng Pangasinan Provincial Health Office na hindi maaaring balewalain ang jellyfish sting dahil maaari itong magdulot ng komplikasyon at humantong sa pagkamatay.
Kung makaranas ng pag-atake ng jellyfish, ipinapayo ng mga eksperto na hugasan o ilubog sa suka ang apektadong bahagi ng katawan ng 20 minuto para maibsan ang sakit.
Dati nang ipinaliwanag na hindi totoo na nakatutulong ang ihi ng tao bilang pangontra sa jellyfish sting.
Alisin ang naiwang tentacles at lagyan ng cold compress. Suriin ang sarili at agad kumonsulta sa mga doktor. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News