Patay ang isang lalaki nang magulungan siya ng truck matapos matumba sa gitna ng suntukan sa Rodriguez, Rizal, nitong Sabado ng gabi, ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Lunes.

Nagkapikunan daw ang biktima at kaibigan nito kaya nauwi sa suntukan ang kanilang inuman.

Kinilala ang nasawi na si Vincent Dinusta, 20 anyos. Isang menor de edad naman ang kaniyang nakasuntukan.

"Lumalabas na nagbibiruan lang itong dalawa. Bandang huli ay nagkapikunan," ayon kay Police Captain Umar Aduca, hepe ng Investigation Section ng Rodriguez Police.

Hindi pa malinaw kung ano ang pinagtalunan ng dalawa.

Napag-alamang galing Porac, Pampanga ang 10-wheeler truck na nakasagasa sa biktima at magde-deliver sana ng hollow blocks sa Rodriguez. Nagbigay na ng tulong pinansiyal ang driver nito sa pamilya ng biktima.

Bagama't walang plano ang pamilya ni Vincent na kasuhan ang driver ng truck, desidido naman sila na sampahan ng kaso ang menor de edad na kaibigan ng biktima.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na kunan ng pahayag ang pamilya ng suspek na hawak na ngayon ng Department of Social Welfare and Development at nahaharap sa reklamong homicide. —KBK, GMA Integrated News