Isang babaeng Grade 10 student sa Cebu ang natagpuan ng kaniyang mga kaklase na walang saplot habang nasa ibabaw ng isang tangke ng tubig. Ang biktima na menor de edad, pinagtulungan umanong halayin ng mga kapuwa niya mag-aaral na pawang menor de edad din.

Sa ulat ni Femarie Dumaboc ng GMA Regional TV Balitang Bisdak sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing nangyari ang krimen sa barangay Jaguimit sa Naga City noong May 26.

Ayon sa ina ng biktima, dumalo ang kaniyang anak sa birthday party ng isang kaklase noong May 25 ng gabi.

“Masakit, na nangyari ito sa kaniya, nahihirapan akong tanggapin," ayon sa ina ng biktima. Hirap din umano ang kaniyang anak na tanggapin ang pangyayari dahil kilala ng biktima ang mga gumawa sa kaniya ng kahalayan.

Ayon kay Zenen Alinsunod, konsehal ng barangay, sinundo umano ng mga kaeskuwela ang biktima at nadatnan nila na walang damit.

"Kaya pinasuotan na siya. Tapos yung mga suspek nandoon pa sila sa lugar,” sabi pa ni Alinsunod.

Pitong mag-aaral umano ang itinuturong sangkot sa krimen.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel William Homoc, City of Naga Police Station Chief, isa sa mga suspek ang umamin sa krimen, habang itinanggi naman ng dalawa ang bintang laban sa kanila.

“Pauwi na so nag-volunteer ang isa sa mga suspek na ihahatid. Pinasakay itong biktima sa motor medyo lasing na. So may sumakay ring isa sa mga kasamahan sa likuran," saad ng opisyal.

"Isa sa mga suspek willing mag-execute ng extra judicial confession na dalawa sa mga suspek ang nagplano,” dagdag niya.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng City Social Welfare Office ang biktima matapos nitong ma-check-up sa ospital. Sasampahan naman ng reklamong rape ang mga suspek. --Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News